Isang kahindik-hindik na eksena ang nakita sa loob ng tainga ng isang lalaki sa Vietnam, na isang buwan nang nananakit matapos itong pamahayan at pangitlugan ng garapata.

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing ito ang natuklasan ng isang doktor nang magpa-check up sa clinic ang lalaking pasyente.

Unang tinanggal ng doktor ang ilan sa mga itlog ng garapata.

Ngunit naging pinakamahirap na bahagi ng proseso ang pag-aalis sa inahing garapata na malakas ang pagkapit sa ear canal ng lalaki.

Dahil dito, tinangkang tusukin ng doktor ang garapata hanggang sa lumabas ang dugo nito. Ngunit ang garapata, hindi pa rin natanggal sa pagkakakapit.

Naging maingat ang doktor sa pagtanggal sa garapata para hindi matulak sa mas malalim na bahagi ng tainga ang mga itlog na nakaharang sa ear canal.

Makalipas ang ilang subok, matagumpay na nahila ang garapata gamit ang forceps.

Sunod nang na-vacuum ng doktor ang mga naiwang itlog sa loob ng tainga.

Hindi nagbigay ng impormasyon ang doktor kung paano nakapasok ang garapata sa loob ng tainga ng pasyente.

Hindi biro ang maaaring maging bunga ng kagat ng ticks o garapata sa katawan ng tao, dahil maaari itong magdala ng bacteria na magdudulot ng lagnat, chills, at pananakit ng ulo at mga kasu-kasuan.

Ang tao namang may allergy ay posibleng mahirapang huminga o maparalisa. —VBL, GMA Integrated News