Nagpatulong ang isang anak ng overseas Filipino worker upang maipasuri ang ipinadala sa kaniyang relo ng kaniyang ina dahil nahahawig daw ito sa isang vintage watch na posibleng umabot sa P2 milyon ang halaga.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Mary Jane Limon, mula sa Rosales, Pangasinan, na taon-taon nagpapadala sa kanila ng balikbayan box ang kaniyang ina na isang domestic helper sa Taiwan.

Kabilang sa mga gamit na ipinapadala sa kanila ay mga lumang relo na hinihinala niya na ang iba ay posibleng ibinigay ng mga amo sa kaniyang ina, at ipinapadala naman nito sa kanila.

Pero may isa raw sa mga relo na ipinadala ng kaniyang ina ang kakaiba at mukhang vintage na mamahalin. At nang magsagawa siya ng research sa internet, may nakita siyang kamukha ng relo ng padala ng kaniyang ina na umaabot sa P2 milyon ang halaga.

Kaya naman nakipag-ugnayan si Limon sa "KMJS" upang magpatulong para maipasuri sa eksperto ang relo at malaman ang tunay na halaga nito.

Ayon kay Limon, kung magkakatotoo ang hinala nila na aabot sa P2 milyon ang halaga ng relo, papauwiin na nila ang kanilang ina para makapagpahinga na ito sa pagtatrabaho.

Upang malaman kung original ang relo na hawak ni Limon, ipinasuri ito sa watch specialist na si Andy Arnesto.

Ayon kay Arnesto, may mga palatandaan sa relo o markings na katulad ng logo at movement ng aparato nito.

At matapos na gawin ang pagsusuri, lumitaw na ang relo na hawak ni Limon, isang replica lang na hindi milyong piso ang halaga.

"Iba ang yari ng movement kaysa sa original na Vacheron. Kasi ang lahat na gawa ng Vacheron may naka-authentic na logo, mayroon naka-print 'yan, sa relos niya wala," paliwanag ni Arnesto.

Napansin din ni Arnesto na steel at hindi gold ang likod ng relo ni Limon.

Ayon kay Arnesto, ang halaga ng relo ni Limon, maaaring nasa P5,000.00.

Hindi man milyong piso ang halaga ang relo, sinabi ni Limon na pakakaingatan pa rin niya ang relo dahil regalo ito ng kaniyang ina. --FRJ, GMA Integrated News