Mabigat ang pakiramdam at hindi raw makatulog ang isang babae sa Rizal dahil sa tila may dumadagan sa kaniya. Posible nga kaya na kagagawan ito ng elemento na kung tawagin ay Batibat?
Sa programang “Dapat Alam Mo!,” binisita ng paranormal researcher na si Ed Caluag, ang bahay ni Melanie Melaniz, na hirap umanong makatulog at laging tila mabigat ang kaniyang pakiramdam.
Nang puntahan ni Ed and kuwarto ni Melaniz, bumigat din ang pakiramdam ang kaniyang pakiramdam at sumakit ang dibdib.
“Basta alam ko tuwing 12 mabigat ‘yung pakiramdam ko,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Melaniz.
Nang magsagawa ng rituwal si Ed kay Melaniz, kinausap niya ang umano'y kaluluwa ng isang babae na sumapi rito.
“Lagi naman niya akong kasama eh. Basta lagi siyang malungkot. Gusto ko lang siyang samahan,” sabi umano ng kaluluwa na sumasapi kay Melaniz.
Ayon kay Ed, nagmula ang kaluluwa ng babae sa pabrikang pinagtatrabahuhan ni Melaniz.
Posibleng pareho umano ang bigat na naramdaman ni Melaniz at ng kaluluwa kaya hindi ito umaalis sa kaniyang tabi.
Pero bukod sa kaluluwa ng babae, isang elemento na kung tawagin ay "batibat," ang dumadagan umano kay Melaniz kapag nakahiga kaya hirap itong makatulog.
“Sigurado may mga nananaginip dito kasi ‘yung nakatira sa puno rito, ‘yun ‘yung kaniyang ugali, dinidiinan, sinasakal, inuupuan, dinadaganan, kaya ‘yung tao hirap huminga,” sabi ni Ed.
“Meron tayong tinatawag na isang elemento na naninirahan sa mga puno na kung tawagin ay Batibat. Si Batibat, kapag galit siya ang ginagawa niya papasok siya sa loob ng panaginip mo at doon mararamdaman mo na parang inuupuan ka niya sa dibdib, dinadaganan o kaya naman sinasakal, o dinidiinan ang parte ng katawan mo. Ang tendency, babangungutin ka at hindi makakahinga,” paliwanag pa ni Ed.
Nagsagawa ng ritwal si Ed para mapaalis ang kaluluwa at elemento sa bahay ni Melaniz.
Samantala, may paliwanag din ang isang sleep expert at isang neurosemantics trainer tungkol sa hirap sa pagtulog ni Melaniz. Panoorin ang buong kuwento sa video. --FRJ, GMA Integrated News