Isang SUV na may tatlong sakay ang muntikan nang mahulog mula sa isang ginagawang tulay at sa ilog ang bagsak sa Gandara, Samar. Ang driver nito, sumunod daw sa direksyon na itinuturo ng isang navigation app.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Bisdak" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Adela Heights sa Gandara nitong Lunes ng gabi.

Ayon kay Engineer Rod Arcales ng Gandara Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, madilim na nang makatanggap sila ng impormasyon tungkol sa sinapit ng naturang SUV na wala na sa tulay ang dalawang unahang gulong.

Dahil madilim na, kinuha na lang nila ang mga sakay nito at pinatulog sa kanilang opisina.

Nang lumiwanag na kinabukasan, saka na nila hinila ang SUV upang makapagpatuloy sa pagbiyahe ang mga sakay nito.

Galing umanong Cavite at patungong Tacloban City ang SUV. Dahil hindi nila kabisado ang daan, gumamit umano ng navigation app ang driver at itinuro sila sa tulay na ginagawa.

Napag-alaman na mayroon harang o babala sa bukana ng tulay pero wala ito nang dumaan ang SUV. --FRJ, GMA Integrated News