Nakararamdam umano ng takot ang ilang residente sa isang barangay sa El Nido, Palawan dahil sa kuwento na may isang dalagita sa kanilang lugar ang nagtamo ng mahahabang mga kalmot sa braso dahil sa pag-atake ng pinaniniwalaang aswang" na kaya raw magpalit ng anyo bilang hayop.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing nangangamba ang ilang residente sa Barangay Mabini dahil sa paniniwala na baka may gumagalang kakaibang nilalang sa kanilang lugar na kayang magpalit anyo at nang-aatake ng tao.
Sa ilang litrato, makikita sa mga braso ng 14-anyos na dalagitang si “Jannah,” hindi niya tunay na pangalan, ang umanoý mga kalmot sa kaniya ng kakaibang nilalang.
Kuwento ni Jannah, naligo siya noon sa isang balon dakong 6 p.m. Pagkatapos maligo, binalikan niya ito dahil naiwan niya ang kaniyang pang-ipit.
Doo na umano siya inabangan ng kakaibang nilalang.
“May napansin po ako sa may ilalim ng sitaw ng mama ko na tanim niya. Parang may nakaupo na aso roon. Habang [kinukuha ko], pagharap ko, tumalon sa harapan ko. Humawak po siya sa ganito (braso) ko. Ang style niya aso lang,” anang dalagita.
Hanggang sa bigla raw itong ng nag-iba ng anyo na tila matandang babae.
“‘Yung buhok niya mahaba na puti, ‘yung kamay niya po ‘yung dito (mga daliri) dikit-dikit, tapos ‘yung kuko niya po, ‘yung haba kalahati ng daliri ko,” sabi ni Jannah.
Matapos umatake, biglang naglaho ang matandang babae.
Napansin naman ni Jannah na nagtamo siya ng mga kalmot sa kaliwa at kanang braso na nasa anim na pulgada ang haba.
“Sa mga kapitbahay namin, wala naman kaming nakikita na mahaba ang buhok. Sa nangyari sa braso niya, talagang naniniwala kaming may aswang talaga,” sabi ng ina ni Jannah na si Marieta.
Magmula noon, lagi na raw tulala si Jannah, malalim ang iniisip at madalas binabangungot.
Habang kumakalap sila ng impormasyon, nalaman nilang hindi lang ito ang unang insidente ng pagsalakay umano ng misteryosong nilalang.
Isang linggo bago nito, may nangyari rin umano sa bahay ng 24-anyos na si Mabelle, na muntik pang matangayan ng isang anak.
“Naghuhugas ako ng plato, narinig ko na lang nag-iyak ‘yung bunso, tumatawag sa ate niya ‘Ate, ate nakita ko po ‘yung matanda,’” kuwento ni Mabelle na sinabi ng kaniyang anak.
“Niyakap ko na po siya, sobrang panginginig talaga ng katawan niya. Tsaka po ako nagsisisigaw na humingi ng tulong,” dagdag ni Mabelle.
Kakaibang nilalang nga ba o karaniwang hayop lang ang kumalmot kay Hanna? At ano kaya ang masasabi ng mga eksperto tungkol sa paniniwala tungkol sa aswang? Tunghayan sa video ang buong kuwento. --FRJ, GMA Integrated News
