Nagmistulang malaking ID na suot ng isang amang delivery biker ang laminated na litrato ng kaniyang anak na may nakasulat na magtatapos itong cum laude upang maiparating sa lahat ng mga makakakita sa kalye kung gaano siya ka-proud sa kaniyang anak.
Sa ulat ni Katrina Son sa GTV News "State of the Nation" nitong Lunes, sinabing nag-viral sa social media kamakailan ang larawan ng naturang delivery biker na kinalaunan ay nakilalang si Elmer Mallanao, taga-Antipolo City.
Sa nag-viral na post, makikita si Elmer na nagbibisikleta at makikita rin sa likod ng kaniyang delivery box ang larawan ng kaniyang anak at ang nakasaad na "proud papa" at ang pagiging cum laude ng kaniyang anak.
Ayon kay Mark Kris Oliver Palanca na nag-post ng viral photo, naantig siya sa delivery biker dahil isa rin siyang ama.
"Sa junction usual traffic, nakakuha ako ng chance na makuhanan siya tapos shinare ko lang to inspire others. Parang alam mo 'yon, despite of negativities parang ang sarap niyang i-share," paliwanag ni Palanca.
Ayon naman kay Elmer, nang kumpirmahin sa kaniya ng anak na si Sophia na magtatapos ito na cum laude, kaagad siyang nag-isip ng paraan kung para maipaalam sa maraming tao kung gaano siya kasaya at ka-proud para sa nagawa ng anak.
Bilang single parent dahil maagang pumanaw ang kaniyang asawa, sinabi ni Elmer na hindi biro ang magpalaki ang anak.
Isinigaw din ni Elmer sa langit ang magandang balita para sa kaniyang namayapang asawa.
"Kung sisigaw ako at makarating sa langit sana makarating, para marinig niya ang tagumpay ng anak niya ngayon: 'Sonya ito na! Grabe, cum laude yung anak mo!'," emosyonal na sabi ni Elmer.
Pangako naman ni Sophia para sa masipag niyang ama, "Ako naman ang babawi sa sa'yo kapag nakapagtrabaho na ako. Ako naman po yung bibili ng mga gusto mo po." -- FRJ, GMA Integrated News
