Naputulan ng isang braso ang isang lalaki sa Indonesia dahil sa pag-atake sa kaniya ng isang buwaya habang nasa ilog. Pero sa kabila ng kaniyang sinapit, nabuhay ang biktima dahil sa paglaban at pagkagat niya sa buwaya.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, nabuhay at nagawang maikuwento ng biktimang si "Arjo" ang kaniyang sinapit sa isang buwaya na tinatayang 10 talampakan ang haba.
Ayon kay Arjo, nagtungo sila ng kaniyang mga anak sa ilog para manghuli ng isda na kanilang uulamin.
Nasa apat na talampakan lang ang lalim ng ilog na kanilang kinaroroonan. Pero habang inihahanda niya ang lambat, nangyari na ang hindi niya inaasahan--ang pag-atake ng buwaya.
Ang kaligtasan ng mga anak ang unang inisip ni Arjo.
"I tried to save my kids first and told them to run away. When the crocodile bit my right arm, i attacked it," saad niya.
Nahulog si Arjo sa tubig nang kagatin siya ng buwaya sa balikat at sinunggaban din ang kaniyang kanang braso.
Para makawala sa bingit ng kamatayan, kinagat ni Arjo sa leeg ang buwaya.
Nang makaalpas si Arjo, mabilis siyang umalis sa ilog.
Malakas ang tagas ng kaniyang dugo dahil sa tinamong mga sugat mula sa kagat ng buwaya.
Hanggang sa makarating na sila sa kabahayan at dinala na siya sa ospital.
Hindi na naisalba ang kanang braso ni Arjo na kinailangan putulin sa operasyon. Sa kabila nito, nabuhay siya at ligtas din ang kaniyang mga anak.
Sampung taon na raw nangingisda sa naturang ilog si Arjo at iyon ang unang pagkakataon na inatake siya ng buwaya.
Ayaw niyang mangyari sa iba ang kaniyang dinanas.
Plano ng mga awtoridad na maglagay ng babala sa ilog upang mapaalalahanan ang mga tao tungkol sa peligrong hatid ng mga buwaya roon.-- FRJ, GMA Integrated News
