Hindi inasahan ng mga pulis sa Georgia, USA na isang bata ang makikita nila sa loob ng isang naka-lock na kotse na nakaparada sa labas ng bahay habang tirik ang sikat ng araw.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita na sinilip ng mga pulis ang kotse at nakita nila sa loob ang isang bata na umiiyak.

Tirik umano ang sikat ng araw nang sandaling iyon at tumatagos ang init sa loob ng sasakyan.

Tinanong ng mga pulis ang bata kung kaya niyang buksan ang pinto. Pero nang hindi sumagot ang bata, kinatok nila ang bahay pero walang sumasagot.

Kaya napilitan na ang mga pulis na basagin ang salamin ng sasakyan para mabuksan ang pintuan at mailabas ang bata.

Muli namang kinatok ng mga pulis ang bahay pero wala pa ring lumalabas na tao kaya pansamantala muna nilang kinopkop ang bata.

Hindi malinaw kung papaano naiwan sa loob ng sasakyan ang bata.

Habang nagpaalala ang mga awtoridad sa mga magulang na dapat bantayan ang kanilang mga anak at laging alamin kung nasaan ang mga ito.-- FRJ, GMA Integrated News