Apat na buwan sa kaniya umanong pagbubuntis, nakaramdam ng pananakit ng tiyan ang isang ginang na nakatira sa kabundukan ng Davao Jose Abad Santos, Davao Occidental, at nang humilab ang kaniyang tiyan, isang ahas umano ang lumabas at ipinakita rin nila sa kanilang mga kapitbahay.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," inihayag ng magkarelasyon na sina Sheila at Mario, na hangad pa nila na muling magkaanak matapos na silang mabiyayaan ng anak na babae.

Kaya naman noong Oktubre, laking tuwa nila nang mag-positive sa pregnancy test kit si Sheila. Pero sa ika-apat na buwan pa lang ng kaniyang pagbubuntis, nakaramdam na ng pananakit ng tiyan si Sheila hanggang sa iluwal nga niya ang ahas na kulang sa buwan at patay na.

Pero dahil wala nang lumabas na iba pa, hinihinala nina Sheila na may sanggol pa sa kaniyang tiyan at posibleng kambal ang nasa kaniyang sinapupunan.

Ayon kay Mario, yellow green ang kulay ng ahas, may ulo at mata, at tinatayang anim na pulgada ang haba.

Dahil patay na, ibinalot nila sa tela ang ahas at ipinakita sa iba nilang kapitbahay bago nila inilibing.

Ayon kay Sheila, hindi nila nakunan ng larawan ang ahas dahil walang cellphone sa kanilang lugar.

Dahil hindi pa nasusuri ang kaniyang pagbubuntis at may nararamdaman pa rin siya sa kaniyang sinapupunan, sinamahan ng KMJS team si Sheila na madala sa doktor at ma-ultrasound.

Sa simula, walang nadinig na heartbeat sa sinapupunan ni Sheila kaya inirekomenda na ipa-ultrasound siya at doon na may natuklasan ang duktor.

May sanggol pa nga ba sa sinapupunan ni Sheila, at ahas na ba ang una niyang iniluwal na kanilang ipinakita matapos na hukayin ang labi nito. Alamin ang buong kuwento sa video ng KMJS.-- FRJ, GMA Integrated News