Namangha ang isang biologist nang makita niya nang malapitan sa ilalim ng Amazon River sa Brazil ang isang dambuhalang Anaconda. Ang ulo ng ahas, halos kasinglaki umano ng ulo ng tao.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang aktuwal na video nang agarang pagsisid ng biologist na si Professor Freek Vonk upang malapitan ang nakita nilang dambuhalang ahas na tinatayang hindi bababa sa 26 na talampakan ang haba at bigat na 200 kilo.

Napag-alaman na nagtungo ang biologist at crew TV sa Amazon River sa Mato Grosso do Sul para mag-shoot ng mga tagpo tungkol sa nature at wildlife sa lugar.

Nasa gitna ng kanilang pagre-record ng video, may bigla silang nakita sa ilog at matapang na sinundan ni Professor Vonk.

Sa kaniyang pag-dive sa ilog, halos hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakita dahil sa laki ng ahas.

“I have seen and filmed many different anacondas in my life, but this particular specimen was an absolute titan,” sabi ni Vonk.

“I have never ever seen a snake this big in my life, although I knew they had to be out there,” dagdag niya.

Ang dambuhalang ahas ay itinuturing na undocumented subspecies ng anaconda. Tinawag ito ng mga eksperto na northern green anaconda, na posibleng galing sa linya ng southern green anaconda.

Bagama’t non-venomous, carnivore ang mga anaconda o kumakain ng iba pang mga hayop.

Matapos ang aksidenteng pagkadiskubre ng anaconda, pag-aaralan ng mga eksperto ang antas ng polusyon sa Amazon.-- FRJ, GMA Integrated News