Nakaantig ng damdamin ng netizens ang ginawa ng isang mommy dog na nahuli-cam sa Istanbul, Türkiye na kagat-kagat ang walang malay niyang anak na tuta upang isugod sa isang veterinary clinic. Makaligtas kaya ang tuta?
Sa video na makikita sa GMA Integrated Newsfeed, nakuhanan sa CCTV camera sa labas ng isang veterinary clinic ang pagdating ng aso na "bitbit" ang kaniyang tuta na hindi gumagalaw.
Nakita naman kaagad ng isang staff sa clinic ang mag-ina at kaagad niyang dinala sa loob ang walang malay na tuta para mabigyan ng paunang lunas.
Ayon sa beterinaryo, mahina na noon ang heartbeat ng tuta at maliit na ang pag-asang makaligtas.
Habang ginagamot ang tuta, nandoon at nakabantay ang mommy dog na tila nag-aalala sa kalagayan ng kaniyang anak.
"It looked dead at first. As soon as we noticed its heartbeat, we provided emergency care. Thankfully the little one held on to life. It was lucky," sabi ng beterinaryong si Dr. Baturalp Oghan.
Naka-recover ang tuta at nakasama rin nito ang isa pa niyang kapatid.
Ayon kay Oghan, isang asong-gala ang inang aso at nawalay ito sa kaniyang mga tuta nang makuha ng animal control at kinapon.
Nang maka-recover mula sa operasyon, binalikan umano ng aso ang kaniyang mga anak pero namatay na ang iba sa mga ito at dalawa na lang natira-- na agaw buhay ang isa na kaniyang dinala sa klinika.
Sabi ni Oghan, nalaman ng aso ang tungkol sa clinic nang sundan niya ang isang babae na nagmalasakit sa isa pa niyang tuta.
"Everything is going well so far and we hope they have a long, beautiful life ahead," ayon sa beterinaryo.-- FRJ, GMA Integrated News