Maliban sa isang sisiw, namatay at natusta ang lahat ng 35,000 manok na inaalagaan sa isang poulty farm matapos itong masunog sa Bugallon, Pangasinan.
Sa ulat ni Jheric Pasillao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Gueset, at tinatayang nasa P40 milyon ang halaga ng pinsala.
Nagsimula umano ang apoy sa isang building sa farm at mabilis na kumalat ang apoy na pinaniniwalaang sanhi ng problema sa linya ng kuryente.
Ayon kay SFO1 Norman Garcia, hepe ng Investigation Intelligence Unit ng Bugallon Fire Station, unang nakarinig ng electrical sparks ang mga empleyado pero wala naman daw silang nakitang apoy nang magsagawa ng pagsusuri.
“Tiningnan naman nila is walang apoy at walang usok. And then nung last na pag-inspect nila, may apoy na po,” sabi ni Garcia.
Sinubukan naman daw ng mga empleyado na patayin ang apoy gamit ang fire extinguishers pero naging mabilis umano ang paglaki ng apoy.
Kahit dumating na ang mga bumbero, hindi na rin nailigtas ang mga manok na namatay dahil sa pagkakasunog o suffocation dahil sa usok.
Tanging isang sisiw lang ang nakaligtas pero hindi sinabi sa ulat kung papaano ito nakaalis sa sunog.
“Tumagal siya nang almost two hours... Nung dumating yung mga bumbero, wala nang sunog,” ayon sa may-ari ng poultry farm.
Ayon kay Garcia, sumailalim sa fire inspection ang farm noong nakaraang taon pero hindi pa ulit nagagawa ngayong taon. --FRJ, GMA Integrated News