Nahuli-cam ang isang 33-anyos na lalaki na nagsasaboy ng gasolina habang hawak ang hose sa isang gas station sa Minglanilla, Cebu.
Sa ulat ng GMA Regional TV News, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Poblacion Ward 2 noong madaling araw ng March 6, 2025.
Ayon sa pulisya, dumating ang lalaki sa gas station at naghamon ng suntukan. Sunod na nitong ginawa ang pagkuha sa fuel hose at nag-spay ng gasolina.
Umabot umano sa halagang P2,556 ang gasolina na ibinuhos ng lalaki na mabuti na lang na hindi nahagisan ng apoy.
Nang dumating ang mga awtoridad, tinangka pa ng lalaki na pumalag pero wala na siyang nagawa nang posasan.
Sa piitan, sinabi ng lalaki na hindi niya maalala ang kaniyang ginawa. Nilinaw din niya na hindi siya lasing o lango sa ilegal na droga.
Sasampahan siya ng mga reklamong alarm and scandal, resistance and disobedience to person in authority, at malicious mischief. -- FRJ, GMA Integrated News