Dahil mahilig daw talaga sa kape ang isang teacher sa Cebu, naisipan niyang mag-post at nag-alok ng kape sa kaniyang social media account. Ang simpleng pag-alok niya ng kape, matinding panlalait sa kaniyang ilong ang ibinalik ng mga basher.

Sa video ng For You Page ng GMA Public Affairs na mula sa post ng elementary teacher na si Lucena Seguros, na taga-Lapu-lapu City, Cebu, mababasa ang mga pambaba-bash at hindi magagandang komento na tinanggap ng guro mula sa ilang netizens.

Sa kabila nito, naging matatag naman si teacher Seguros laban sa mga basher, pero lumambot ang puso niya nang malaman niya na marami ang nagmamahal at nagtatanggol sa kaniya.

"Alam niyo po ba sinabi ko sa sarili ko ang stand ko talaga, sino ba sila para paginggan ko, sino ba sila para  intindihin ko?," saad niya.

Pero sa naturang post din niya nalaman at naramdaman na marami ang nagmamahal at sumusuporta sa kaniya--ang pamilya, mga katrabaho, mga estudyante, at maging ang ibang netizens.

"Yung strength ko po ay family ko at yung mga taong nag-message sa akin. Sa mga basher hindi ako naiiyak, pero yung mga taong concern, yung family ko, yung talaga yung na-touch ako," sabi pa ng guro.

May mga basher naman daw ni teacher Seguros ang humingi ng paumanhin at kaniya namang pinatawad.

Nais ni teahcer Seguros na maging isang mabuting halimbawa siya para sa mga taong naba-bash dahil sa panlabas na hitsura.

"Yung mga taong bina-bash, gamitin mo itong isang encouragement para ipakita sa kanila na kaya mo kahit ganun ka. Ipakita mo na ang taong bina-bash nila ay mayroong mararating sa mundo, mayroong pakinabang sa mga taong nangangailangan," payo ng guro.

Habang ang mensahe naman niya sa mga namba-bash, "Sa mga taong namba-bash, sana intindihin niyo yung mga taong bina-bash niyo. Hindi natin alam na 'yung bina-bash niyo kung gaano na kasakit yung nararamdaman niya. Kung wala ka namang magandang sasabihin, just keep it to yourself."

Ayon kay Atty. Chelsea Liao-Ariza, kung ang pambu-bully ay ginawa sa anumang platform online, at nagdulot ng harm gaya ng damage sa reputasyon ng isang tao, maaring magkaso ng cyber libel ang nabiktima ng pambu-bully.

Paalala rin ng eksperto, maging matalino sa paggamit ng social media dahil may mga tao na maaaring labis na naapektuhan ng mga puna at panlalait.-- FRJ, GMA Integrated News