Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa isang vlogger dahil sa pagsakay niya sa motorsiklo sa national road sa Aklan na brief at crop top ang suot, at nag-"Superman" pose pa habang umaarangkada.Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nakarating sa Land Transportation Office - Aklan ang tila exhibition na ginawa ng vlogger sa kalsada.Batay sa ipinadalang Show Cause Order ng ahensiya, reckless driving ang ginawa ni Boy Kayak, dahil isinagawa niya ito sa national road na maaaring malagay sa peligro ang ibang motorista.Ginagamit umano ng vlogger ang sidecar sa pagtitinda ng isda. Bukod pa rito, natuklasan ng LTO na, "It was discovered that you were never granted any driver's license by this Agency, thus at the time of the incident... you were driving without a valid driver's license.""Wala. Wala akong lisensiya. 'Yung mga tao, gusto ko lang na sila'y mapasaya," sabi ni Boy Kayak sa kaniyang pahayag.Pinagmumulta ang vlogger ng P3,000 at posibleng hindi na talaga siya mabibigyan ng lisensiya kailanman.Binigyan ang vlogger ng LTO ng limang araw upang magpaliwanag.Ayon kay Boy Kayak, handa siyang harapin ang parusa ng LTO at tinatanggap din niya ang mga batikos.Nagsisilbi ito aniyang leksiyon para sa kaniya."Sana maintindihan nila na ginawa ko 'yun for entertainment purposes lang. Wala naman akong tinatapakang ibang tao," anang vlogger.Bago nito, nabatikos na rin si Boy Kayak ng kaniyang mga kababayan dahil sa kaniyang suot habang nagba-vlog sa mga pampublikong lugar. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News