Nadakip ng mga pulis sa Las Piñas ang isang suspek sa "rentangay” modus sa tulong ng kaniya mismong nobya.Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing nasakote ang suspek sa lugar kung saan katatagpuin niya sana ang kaniyang nobya, na nakikipagtulungan sa mga pulisya para masakote siya.Bagaman pumalag, wala nang nagawa ang suspek nang posasan ng mga tauhan ng Philippine National Police - Highway Patrol Group (PNP-HPG), at dinala sa Camp Crame.Napag-alaman na mayroon arrest warrant ang suspek para sa mga kasong carnapping, illegal possession of firearms, at paglabag sa Anti-Fencing Law.Ayon sa pulisya, modus sa “rentangay” ng suspek ang magrerenta ng mga sasakyan pero hindi na isasauli sa may-ari.“We are appealing kung kayo'y naging biktima ng taong nito, narito ang HPG para mag assist at para matulungan ang ating mga kababayan na madagdagan pa ng kaso para sa taong nito,” ayon kay PNP-HPG spokesperson Police Lieutenant Nadame Malang.Sinabi naman ng suspek na hindi niya inakala na ipapahuli siya ng kaniyang nobya.“Natakot din siya siguro na madamay,” saad ng suspek, na umamin din na gumagamit siya ng ilegal na droga.Nanawagan siya sa kaniyang mga nabiktima na patawarin siya para iurong ang kaso.“Pa rehab na rin sana ako. Nagulat ako. Kung papayag siya na aregulahin, mabalik yung motor, aregluhin po namin,” dagdag ng suspek. —FRJ, GMA Integrated News