Nalagay sa peligro ang buhay ng isang bata nang aksidente siyang mahulog sa sinisilip nilang kanal na nakabukas sa Uttar Pradesh, India. Makaligtas kaya siya? Alamin.Sa video na mapapanood sa GMA Integrated Newsfeed, makikita ang dalawang bata na nasa tabi ng nakabukas na kanal na kanilang sinisilip sa gilid ng highway sa Mirganj sa Uttar Pradesh.Hanggang sa aksidenteng nahulog ang mas maliit na bata, at walang nakakita sa pangyayari.Ang isa namang bata na kasama niya, hindi malaman ang gagawin hanggang sa humingi na siya ng saklolo pero wala sa kaniyang pumapansin.Hanggang sa isang lalaki na nagbabantay sa tapat na jewelry shop ang nakakita sa bata na humihingi ng tulong. Dali-dali siyang pumunta at sinilip ang loob ng kanal.Ilang saglit lang, nakuha na niya ang nahulog na bata at nahatak niya nang nakatiwarik at napakadumi.Nakilala ang lalaki na si Harsh Goswami, na umani ng papuri sa mga nakapanood sa video dahil sa pagsagip niya sa bata.Inulan naman ng batikos ang local officials ng Mirganj na sila umanong nagpagawa sa drainage na iniwang nakatiwangwang ang tatlong butas.Peligroso umano ang nakabukas na kanal dahil maraming naglalakad at motorista na dumadaan sa lugar.Wala pang pahayag ang lokal na opisyal sa insidente, habang hindi naman tinukoy kung sino ang dalawang bata, at kung nasaan ang kanilang mga magulang nang mangyari ang insidente.-- FRJ, GMA Integrated News