Kinaaliwan ng netizens ang mala-wow mali na surprise proposal ng isang pulis sa kaniyang nobyang kadete na pinili niyang gawin sa recognition rites ng Bagsik Diwa Class sa Parang, Maguindanao del Norte.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Lunes, ipinakita ang video habang nakaluhod ang lalaking pulis sa isang babaeng kadete na nakatalikod sa kaniya.
Pero may ibinulong ang kadete sa pulis kaya napatayo ito dahil hindi pala niya nobya ang kadete.
At nang humarap ang mga kadete, doon pa lang niya nalaman kung saan nakapuwesto ang kaniyang nobya.
Nabawasan man ang dating ng plano niyang sorpresa, natuloy pa rin naman ang marriage proposal ng pulis, at nakamit din naman niya ang matamis na "yes" ng kaniyang nobya.-- FRJ, GMA Integrated News
