Nahuli-cam ang pagsemplang ng isang de-motorsiklong snatcher matapos niyang targetin na hablutan ng alahas ang dalawang babae na sakay din ng motorsiklo sa Uttarkhand, India. 

Sa isang video na mapanonood sa GMA Integrated Newsfeed, makikita ang mabilis na pagdating ng suspek mula sa likod ng dalawa na nakamotorsiklo rin. Pero paghablot niya, nawalan ng balanse ang suspek at sumemplang.

Kaagad na tumayo ang suspek at sumakay sa kaniyang motorsiklo pero hindi ito umandar. Kaya ang nangyari, itinulak niya na lang.

Nakatakas ang suspek ngunit hindi nagtagal, nadakip din siya ng pulisya kasama ang kaniyang kasabwat.

Ayon sa pulisya, nakuha nila mula sa mga suspek ang dalawang alahas, locally-made pistol at kutsilyo.

Bago madakip, walang criminal record ang mga suspek, at nagtatrabaho bilang mga pintor.

Kahit hindi pa nabibilanggo, iniuugnay sila sa mga serye ng nakawan sa iba't ibang lugar sa Haridwar district, tulad ng nangyari malapit sa isang templo.

Samantala, huli-cam din ang isang doktor na hinablutan ng kuwintas habang inilalakad ang kaniyang aso sa Uttar Pradesh.

Sa isang operasyon ng pulisya makaraan ang isang buwan, nadakip ang suspek na kinilalang si Parvez Alam, isang notorious na magnanakaw na sangkot umano sa mahigit 200 insidente ng robbery.

Ang kaniyang mga ninanakaw, ipinambibili niya ng luxury vehicles at mga mamahaling motorsiklo na kaniyang ginagamit sa pagnanakaw.

Nahaharap siya sa 113 kaso ng pagnanakaw.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News