Isang payloader ang nawalan umano ng preno at sumampa sa bubungan ng isang bahay sa Barangay Busay, Cebu City nitong Martes ng umaga.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak, sinabing nangyari ang insidente sa Sitio Roosevelt sa tapat ng isang estruktura na itinuturing na tourist spot na nasa itaas na bahagi ng lungsod.
Nagulantang umano ang pamilya Magno na may-ari ng bahay matapos umuga ang kanilang bahay at mabasag ang salamin sa bintana.
Nang tingnan nila ang labas ng kanilang bahay, doon na nila nakita ang payloader na nakasampa sa bahagi ng kanilang bubungan.
Ayon kay Dr. Joy Magno, nagkaroon ng lamat sa pader ng kanilang two-storey house. Nangangamba sila ngayon sa katatagan ng kanilang bahay.
Napinsala umano ng payloader ang kuwarto ng kaniyang anak, na mabuting hindi nasaktan sa insidente.
Naalis din kaninang umaga ang payloader sa bubungan ng bahay matapos hatakin ng dalawang backhoe.
Bukod sa bahay ng mga Magno, isang tindahan umano ang napinsala rin sa insidente.
Napag-alamang na ginagamit ang payloader para ayusin ang tourist spot sa lugar. Habang nagmamaniobra pababa ang driver, nagkaaberya umano ang preno ng dambuhalang sasakyan.
Tumanggi naman ang driver ng payloader na magkomento, habang iniimbestigahan ng Traffic Enforcement Unit (TEU) ang insidente.
Sinubukan pa ng GMA Regional TV Balitang Bisdak na makuhanan ng pahayag ang pamunuan ng gusali kung saan matatagpuan ang tourist spot.—FRJ, GMA Integrated News
