Malagim na trahediya ang sinapit ng isang lalaki matapos siyang tumakbo sa runway ng isang airport sa Italy, at mahigop ng makina ng papalipad na eroplano.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing matapos ang trahediya, ipinatigil ang lahat ng flights at nahinto muna ang operasyon sa Milan Bergamo Airport.
Bago ang insidente, napag-alaman na pa-takeoff na sana ang eroplano nang tumakbo sa runway ang lalaking kinilalang si Andrea Russo, 35-anyos.
Dahil dito, napasugod ang mga awtoridad at rescuers sa tarmac pero nasawi ang lalaki.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na dumating sa airport si Russo sakay ng isang kotse. Hindi naman daw pasahero at hindi rin empleyado ng airport ang lalaki.
Sa hindi pa nakukumpirmang dahilan, tinakasan ng lalaki ang security checks at dumaan sa emergency exit para makarating sa runway ng paliparan.
Tinangka siyang habulin ng pulisya ngunit nabigo sila hanggang sa nangyari na ang hindi nila inaasahan.
“Despite the prompt counteraction of the police forces present, [he] managed to enter the aircraft apron, then reaching the taxiway. Here, he approached the aircraft of a scheduled flight, stationary and with its engines running, losing his life,” sabi ni Giovanni Sanga ng Milan Bergamo Airport.
Dalawang oras na nasuspinde ang mga flight sa Milan Bergamo Airport, na ikatlong pinaka-abalang airport sa Italy. Pero nagbalik-operasyon din ito kinahapunan.
Lumitaw din sa inisyal na imbestigasyon na dating nalulong sa illegal na droga ang lalaki ngunit pumasok siya sa recovery center.
Wala rin agad nakita sa kotse ang mga awtoridad na maaaring magbigay ng clue sa motibo ni Russo kaya patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente. – Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
