Napaulat kamakailan ang pangingisay ng tatlong lalaki matapos silang humithit umano ng itim na sigarilyo sa Puerto Princesa sa Palawan. Saan nga ba nanggaling ang “makamandag” na sigarilyo, at ano ang sangkap nito? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” pumayag na makapanayam ang 17-anyos na si “Aaron,” pero hiniling na itago ang kaniyang pagkakakilanlan.

BASAHIN: 3 lalaki, nangisay matapos umanong makahithit ng itim na sigarilyo

Bibili daw sana siya ng sigarilyo nang lapitan siya ng isang lalaki at inalok ng sigarilyong kulay itim na hindi raw karaniwang nabibili sa tindahan.

Ilang saglit lamang matapos nila itong hithitin, tila nagka-cramps na raw ang kanilang katawan, bigla silang bumagsak at mga hindi na nila makontrol ang kanilang sarili.

Matapos mahimasmasan sa ospital, inalala ni “Aaron” ang itim na sigarilyong ipinahithit sa kaniya, na tinatawag na “tuklaw.”

May taglay umano itong kamandag o “devil smoke.”

Sa pagsasaliksik ng team ng KMJS, natuklasang ang hinithit ‘di umano nina “Aaron” ay isang klase ng tabako na tumutubo sa Vietnam na kung tawagin ay “Thuoc Lao.”

“Ang ‘Thuoc Lao’ po ay isang halaman. Kaparehas po siya ng ating tabako dito pero ibang species po, Nicotiana Rustica po ang pangalan. Wala po ito sa Pilipinas. Ang native na distribution po ng Nicotiana Rustica ay sa South America. Dito po sa Asia, makikita siya particularly sa Vietnam, sa Bangladesh, saka sa India,” paliwanag ni Lillian Rodriguez, isang botanist.

“Kung ikukumpara po natin ‘yun sa ordinaryo na sigarilyo, para nanigarilyo ka ng more than 20 sticks ng cigarette a day sa isang gramo lang po ‘yun, ganu’n ka-concentrated. Kapag hininga natin siya, didiretso po ‘yun sa utak. Lolokohin niya ‘yung utak natin para mag-release ng feel-good hormones. So isa po dito ‘yung tinatawag natin na dopamine. Kaya po nakaka-addict ang nicotine,” dagdag ni Rodriguez.

Dahil sa taas ng nicotine content ng Thuoc Lao, ang labis na paggamit nito ay maaaring magdulot ng pagsusuka, pagkahilo, o pagkawala ng malay.

“One of the possible side effects could be seizures. Pag first-time takers, the toxicity may be more excessive for you compared to somebody who already smoked nicotine. Seizure is the hyper-excitation of ‘yung mga neurons natin in the brain. Nagkakaroon din ng changes in ‘yung pag-movement, consciousness, even behavior,” sabi ni Dr. Kathryn Natalie Tan, isang psychiatrist.

Tunghayan sa KMJS ang pahayag ng nag-alok kina Aaron, na pinabulaanang “Thuoc Lao” ang kanilang hinithit, at natuklasan ng mga awtoridad na may mga dati nang reklamo laban sa kaniya. Ano nga ba ang sigarilyo na galing sa kaniya? Panoorin ang buong report. – FRJ GMA Integrated News