Biglang napuno ng usok ang loob ng isang linya ng tren sa New Jersey, USA sa kasagsagan pa naman ng rush hour. Mula sa labas ng mga bagon, makikita ang apoy na tila nanggaling sa ilalim ng tren.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing napatakbo palabas ang mga pasahero ng tren nang mapuno ng usok ang bagon. Nang makalabas sila, tumambad ang apoy na tila galing sa ilalim ng tren.
Nangyari ang insidente dakong 6:15 am na kasagsagan ng rush hour kaya maraming pasahero.
Ayon sa pamunuan ng train service, 13 pasahero ang nangailangan ng atensyong medikal dahil sa nalanghap na usok.
Ilang oras din naantala ang biyahe ng tren at naibalik lang ang normal na operasyon dakong 11:00 am.
Ayon sa isang post sa X, nagkaroon ng malakas na pagsabog at nasundan ng pag-apoy na dahilan para magkaroon ng usok sa mga bagon.
Gayunman, iniimbestigahan pa umano ang tunay na sanhi ng sunog na mabuting walang malubhang napahamak. – FRJ GMA Integrated News
