Sinagip ang isang pusa na lubhang payat na at hindi na rin makakita dahil sa pamamaga ng kaniyang ulo. Gayunman, kailangan ang malaking halaga para malaman ang tunay na sakit ng pusa upang magamot siya.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nakitang pagala-gala sa Laguna ang pusa na may pangalang “Chito.”
Ayon sa isang concerned citizen, dating may nag-aalaga kay Chito pero hindi siya naipagamot nang magkasakit hanggang sa lumala na ang kaniyang kondisyon.
Kinalaunan, hinayaan na lang na pagpagala-gala si Chito na tila hinihintay na lang mamatay, ayon kay May Anne Santos, admin ng Cabuya Animal Clinic na kumukupkop ngayon sa pusa.
Ang Cabuyao Animal Rescue Foundation ang nag-rescue kay Chito, at dinala siya sa Cabuyao Animal Clinic. Nang masagip, halos dalawang kilo lang umano ang bigat ng pusa, at malaking bahagi pa nito ang dahil sa kaniyang malaking ulo.
“Dehydrated talaga siya tapos ‘yon nga, gutom na gutom,” ayon kay Santos.
Wala pa raw final diagnosis ang duktor sa kalagayan ni Chito dahil kailangang siyang i-CT scan ang pusa para makita lahat kung ano ang dahilan ng paglaki ng kaniyang ulo.
Ayon kay Santos, community clinic lamang sila kaya hindi rin kompleto ang kanilang kagamitan sa klinika.
May nagbigay umano sa kanila ng quotation para sa CT scan na nagkakahalaga ng P25,000 at P8,000 para mabasa naman ang reuslta nito.
“May biopsy pa para makita din yung heart niya, parang aabot ng ano walang pang surgery parang check-up pa lang P44,000,” sabi ni Santos.
Sa tulong ng mga donasyon nakabili ang clinic ng mga gamot at nakagawa ng ilang procedure kay Santos. Pero kailangan na raw mailipat ang pusa sa mas malaking ospital para malaman ang sakit ito.
Patuloy na nagbabayanihan ang ilang netizens at nakalikom na sila ng mahigit P17,000.
Kaya umaapela pa rin ng tulong ang foundation at ang clinic na kumukpkop ngayon sa pusa. Pero nagpaalala rin sila sa publiko laban sa mga scammer na ginagamit ang litrato at video ni Chito.
Sa ngayon, bahagyang mas maayos na raw ang lagay ni Chito na malambing at malakas na rin kumain.
Bagaman may iniindang karamdaman, batid daw ng mga nasa clinic ang kagustuhan ni Chito na gumaling at mabuhay pa. – FRJ GMA Integrated News
