Isang lalaking naka-tsinelas lang at nakainom ng alak, at aminadong may “amats” pa ang hindi umatras sa takbuhan na may layong walong kilometro sa isang fun run event sa Brazil. Hindi niya inasahan na ang naturang karera ang magpapabago sa takbo ng kaniyang buhay bilang isang homeless at alcoholic. Alamin ang kaniyang kuwento.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing naka-livestream sa social media ang 8-km fun run na inorganisa ng isang gym at lokal na pamahalaan ng Garrafao do Norte, Brazil.

Sa video, makikita na naiiba si Isaque dos Santos Pinho sa mga kalahok sa karera dahil sa kaniyang kasuotan at hitsura, at wala siyang number tag na patunay na kasali siya sa event.

Nang ihudyat ng organizer ang simula ng karera, kumaripas agad siya ng takbo kahit pa tila matutumba siya.

Sa simula, nagawa pa niyang maunahan ang mga kalahok. Pero kinalaunan, napag-iwanan siya ng mga runner na nakasapatos at nasa kondisyon ang katawan.

Gayunpaman, pinabilib ni Pinho ang mga nakapanood dahil nagawa pa rin niyang tapusin ang walong kilometrong layo ng takbuhan.  

Kahit hindi kasali si Pinho sa event, kinilala pa rin ng mga organizer ang kaniyang nagawa at binigyan siya ng complementary medal.

Dito na rin nalaman ng mga tao na isa siyang homeless. Hindi raw niya mawari kung paano siya napunta sa event dahil sa kaniyang kalasingan.

Pero nagpasya raw siyang makitakbo na rin dahil sa paniwala niyang baka mawala ang kaniyang hangover kung pinagpawisan siya.

Matapos mag-viral at maging instant social media sensation si Pinho, may mga nag-donate sa kaniya ng sapatos, damit at iba pang running gears.

Tinulungan din siya ng lokal na pamahalaan at sinagot ang kaniyang training para makalahok siya sa iba pang karera.

“Now, Isaque has been seen sober, wearing sneakers and training on the streets, and says the race was a turning piont in his life,” ayon sa lokal na opisyal.

Nangako naman si Pinho na tatalikuran na niya ang pag -inom ng alak at seseryosohin ang pagtakbo na nagpabago sa takbo ng kaniyang buhay. – FRJ GMA Integrated News