Isang daycare center ang nilooban sa Cagayan de Oro City. Ang kawatan, naging feel at home at nagawa pang nagprito ng manok na pagkain sana para sa mga bata.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, sinabing binutas ng kawatan ang kahoy na pintuan at ang screen door nito sa likurang bahagi ng daycare center sa Barangay Iponan para makapasok.

Pagdating sa daycare ng ilang nagtatrabaho roon, nakita nila na nagkalat na ang mga libro at mga nagkasira-sirang gamit.

Isang hilaw na manok din na mula sa refrigerator ang natagpuang nakalabas, na food supply sana ng mga bata

Bumungad din ang mga buto ng manok na doon pa iprinito umano ng kawatan.

Ayon sa mga nagtatrabaho sa daycare, posibleng madaling araw pumasok doon ang kawatan.

Iniulat na ang insidente sa pulisya para matukoy kung sino ang salarin.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News