Isang estudyante ang gumawa ng application o app na nagbibigay ng mungkahi kung kailan at anong oras magandang maglaba at magpatuyo ng sampay batay sa magiging lagay ng panahon.
Sa ulat ni Martin Javier sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni JD Satsatin, isang computer science major, na nakuha niya ang idea na gawin ang “Maglalaba Ba?” app dahil sa kaniyang lola na laging naglalaba at siya inuutusan na magpasok ng mga sampay kaya biglang umulan.
"'Yung lola ko kasi is laging naglalaba tapos kapag umuulan na, ako palagi 'yung inuutusan niya na magsilong ng sinampay. Sobrang hassle din kasi na magpasok at maglabas ng sinampay," paliwanag niya.
Dahil sa naturang karanasan, naisipan ni JD, isang software developer, na gawin ang naturang app para malaman kung kailan at hanggang anong oras magiging maganda ang panahon para maglaba at magsampay.
"The app was released last July when marami na pong nangyaring bagyo. So timely siya," saad niya.
Ginawa ring simple ni JD ang app na kailangan lang magtanong ang gagamit kung magiging maaraw ba o maulan ang panahon. Kasama sa ibibigay na tips ng app kung anong oras magandang maglaba at mayroon itong mga drawing.
"For the app, 'yung data niya galing sa isang open source service which is Open Meteo. Then 'yung service niya came from multiple sources, mayroon ding locally, may globally din," paliwanag ni JD. "'Yung kinukuhanan ko po ng service, sila na ang nagpo-provide ng data."
Sinagot din sa app kung anong partikular na oras dapat magsampay para matuyo ito at hindi magkaroon ng kulob na amoy.
"Mayroon din siyang meter and humidity for temperature. Kung gaano kainit, gaano kalamig. Nakakaapekto din 'yon sa oras ng pagpapatuyo," sabi ni JD.
Dahil ang kaniyang lola ang kaniyang inspirasyon, tiniyak ni JD na kayang gamitin ng sino man ang app kahit na hindi techie.
"Ginagawa ko siya through dialogues. Instead na i-show natin ilang celsius ngayon or ilang humidity which is naka-number, ang ginagawa dito sa app para siyang comics, para siyang bubble. So doon nagpapop-up 'yung mga conversation at mga interpretation niya," ayon pa kay JD. — FRJ GMA Integrated News
