Nagdadalamhati ang isang pamilya sa El Salvador City, Misamis Orienta matapos masawi sa pagkalunod ang dalawang batang magkapatid sa dagat. Hinala nila, hindi ordinaryong aksidente ang nangyari sa mga bata, kung hindi kagagawan ng hinihinala nilang siyokoy.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ni Angelica Lariosa, nanay nina Yana, 5-anyos, at Lukas, 2 anyos, na hindi niya pinayagang maligo sa dagat ang mga ito kahit ilang hakbang lamang ang layo sa kanilang bahay.
Ngunit noong Hunyo 14, inaya sina Yana at Lukas na maglaro sa tabing-dagat ni Kristine, nobya ng kapatid ni Angelica. Si Angelica, sinabing hindi nagpaalam sa kaniya ang mga anak.
Kalaunan, laking gulat nina Angelica at kaniyang inang si Alma Banuag Maaliao, lola ng mga bata, nang makarinig sila ng ingay. Nalulunod na pala ang mga batang sina Yana, Lukas at Kristine, at kalaro nilang 10-anyos na si Samantha.
Humingi ng tulong ang mag-ina mula sa mga kapitbhay na sina Bryan at Anthony Maña.
“Pag-ahon ni Bryan sa tubig, hinawakan niya raw ‘yung bata. ‘Yung tubig, lagpas siguro sa mga 8 to 9 feet ang lalim. Nahirapan kami kasi ang tubig sobrang labo niya dahil sa sobrang lakas ng alon,” sabi ni Anthony.
Bukod dito, mistulang may kung anong puwersa rin sa ilalim ng tubig, na tila nanghihigop pailalim, at hindi rin kinaya ni Bryan na sumisid.
Hanggang sa naiahon nila sina Kristine at Samantha, na parehong nakaligtas.
“Mababaw lang. Nagulat na lang kami kasi biglang nandoon na kami sa malalim,” sabi ni Samantha.
Sa muling paglusong sa dagat ng mga kapitbahay, hindi na nila nakita sina Lukas at Yana. Nabigo ring mahanap ng rumespondeng rescue team ang magkapatid.
Hindi nila naiwasang kutuban na hindi lang simpleng aksidente ang nangyari kundi gagagawan umano ng siyokoy, na nangunguha umano talaga ng buhay sa dagat.
“Basta sa oras na may nangunguha, sobrang sama ng amoy ng dagat. Basta masangsang na hindi mo maintindihan. Alam ko na meron talagang nangunguha roon. Siguro napagod ang mga siyokoy kasi mga dayo ‘yan sila tapos sobrang ingay, nagtatatalon,” ani Alma.
Sinabi ng kanilang kabaranggay na upang mabawi ang dalawang bata, kailangan nilang mag-alay. Si Alma, nag-alay ng mga damit ng bata at dalawang piso.
Kinagabihan, magkasunod na nakita na ang magkapatid na isang oras lang ang pagitan. Gayunman, wala nang buhay ang dalawa.
Ipinagtataka ni Angelica na nahanap ang katawan ng kaniyang mga anak sa parehong lugar kung saan lang din nawala ang mga ito, sa kabila ng malalakas na alon noong gabing iyon.
Ilan ang nagsabing nakita pa nila ang umano’y halimaw na kumuha sa mga bata.
Pagkalibing sa mga anak, nag-alsabalutan sina Angelica sa takot na baka balikan sila ng siyokoy umano.
“Natatakot na akong tumira sa tabing-dagat. Kung hindi kami lumipat ng bahay, hindi ako makaka-move on dahil sa bawat sulok, nakikita ko sila,” sabi ni Alma.
Panoorin sa KMJS ang paliwanag ng Philippine Coast Guard kung bakit nadala sa malalim na parte ng dagat ang mga bata, at papaano sila nakita. May paliwanag din ang isang anthropologist kung bakit buhay pa rin ang paniniwala ng mga Pilipino tungkol sa mga siyokoy. Tunghayan ang buong kuwento. – FRJ GMA Integrated News
