Kahit nakasuot ng facemask, nakilala pa rin at nadakip ang isang lalaking wanted sa batas dahil sa kaniyang online live selling. Kahit may takip kasi ang mukha niya, kita naman ang kaniyang tattoo sa braso.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing pinaghahanap ng mga awtoridad ang lalaki dahil sa mga kinakaharap niyang kaso na estafa at carnapping.
Ayon sa awtoridad, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa suspek nang makita siyang nagla-live selling online at napansin ang hugis ng kaniyang mukha at tattoo sa braso.
“Siya ay naka-face mask, naka-sumbrero, at naka-salamin na hindi tipikal sa paningin ng ating mga kababayan kapag sila ay nagbebenta o nagla-live selling,” sabi ni Philippine National Police Highway Patrol Group spokesperson Police Leiutenant Nadame Malang.
Natunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng suspek sa Lubao, Pampanga, at doon na siya inaresto.
Ayon sa PNP-HPG, kinasuhan ang suspek ng estafa dahil panloloko sa transakyon sa pagbili ng mga anime figurine na nagkakahalaga ng P800,000 hanggang P900,000.
“Nangako po siya na babayaran ako through post dated checks, so nag-isyu po siya ng anim na post dated checks sa akin. Unfortunately po, lahat po ‘yun tumalbog,” ayon sa isa niyang biktima na nasa ibang bansa na.
“Tinaguan na po kami, hindi na po siya totally nagre-reply sa mga messages ko,” dagdag pa ng biktima na nagsabing may 40 tao pa na naloko ang suspek.
Ayon naman sa suspek, nakausap na niya ang nagreklamo laban sa kaniya.
“Nakausap ko na rin po yung complainant at okay naman na po. So yun ang sabi ng abogado ko, aasikasuhin namin ang lahat, matatapos lahat ito, at maayos lahat,” saad niya.
Ngunit ayon sa biktima, “I’m open to negotiations pero kung wala, dapat magdusa ka sa mga ginawa mong kasalanan lalo na sa akin, para po kasi sa anak ko ‘yun…kaso Sir tinakbuhan ako eh. Hindi ko po alam na may isyu na pala si … before that nalulong na [raw po] siya sa sugal.”
Hinikayat naman ng PNP-HPG ang iba pang nabiktima ng suspek na makipag-ugnayan sa kanila para sa pagsasampa ng kaso. – FRJ GMA Integrated News
