Isang babae ang nag-report na may nakita siyang bagong silang na sanggol sa bakanteng kulungan ng baboy malapit sa kanilang lugar sa Leon, Iloilo. Pero nang magsiyasat ang pulisya, lumitaw na ang babae pala mismo ang ina ng sanggol.
Sa ulat ni Thess Ordales sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Anonang, nitong Sabado ng umaga, nang ipaalam ng 20-anyos na si Alyas “Ana Mae,” sa kaniyang kamag-anak ang tungkol sa nakita niyang sanggol.
Kaagad namang kinuha ang sanggol na dinala sa pagamutan, at nasa maayos nang kalagayan sa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office.
Pero nang magsiyasat na ang mga awtoridad, sinabi ni Police Lieutenant Mark Cortez, Deputy chief ng Leon Police station, na nagduda sila sa ikinikilos ni Ana Mae. Napansin din nila ang bahid ng dugo sa damit at binti nito.
Kinalaunan, umamin na ang babae na siya ang ina ng sanggol at inilihim niya ang kaniyang pagbubuntis dahil sa hiya sa kamag-anak kung saan siya nakikituloy.
Mag-isa lang daw niyang iniluwal ang sanggol.
Napag-alaman din na may nauna nang anak ang babae na dalawang-taong-gulang at hiwalay ito sa ama ng bata. Hindi naman alam kung sino ang ama ng bago niyang anak. – FRJ GMA Integrated News
