“Bumaha” ng murang bangus sa gilid ng kalsada sa Barangay Bonuan Gueset sa Dagupan City, Pangasinan matapos na umapaw ang ilang palaisdaan ng bangus dahil sa pananalasa ng Super Bagyong “Uwan.”
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing may mga nagbebenta ng bangus sa halagang P50 hanggang P150 kada kilo, depende sa laki.
“Marami bumibili kasi mura,” ayon sa nagtitinda na si Lorita Vidal, na kumita umano ng P5,000 nitong Lunes.
Ang ilang namimili, pinipiling sa gilid na lang ng daan bumili ng bangus dahil mura at sariwa rin naman.
Karamihan umano sa mga ibinebentang bangus ay galing sa fish pens at cages na umapaw nang biglang tumaas ang tubig sa ilog dahil sa pag-ulan na dulot ng bagyo.
Ang fish grower na si Nelson Lambojon, sinabing pinaghandaan niya ang bagyo at naglagay ng mga mataas na net sa palaisdaan pero hindi niya inasahan na malulubog pa rin ito nang husto sa tubig kaya nakaalpas ang mga bangus.
“Hindi naman inaasahan na ‘yung tubig lumaki kaya hindi rin mapipigilan ng bangus kung umapaw ‘yung ilog. Siyempre lalabas talaga ‘yung bangus. Pabayaan mo na lang lumabas kasi ‘pag ikaw ang lumabas, [baka] ikaw pa madali ng bagyo,” saad niya.
Hindi maiwasan ni Lambojon na manghinayang sa nalugi sa kaniya dahil aanihin na sana niya ang mga bangus sa susunod na buwan.
Ayon kay Engr. Rosendo So, chairperson ng Samahang Industriya sa Agrikultura (SINAG), maraming bangus growers ang nalugi dulot ng bagyo.
“Lugi ‘yung mga bangus grower dahil ‘yung mga umapaw na bangus kung makikita natin eh ibinebenta ng 120–150 kasi siyempre walang puhunan ‘yun,” sabi ni So.
May posibilidad din umano na maaapektuhan ang suplay ng bangus sa darating na holiday season. – FRJ GMA Integrated News
