Dinarayo ngayon ang isang ilog sa Butig, Lanao del Sur dahil sa umano’y “miracle water” nito na kapag ininom, nakapagpapagaling daw ng iba't ibang uri ng sakit. Ngunit sa isang pag-aaral, sinabing hindi ito ligtas inumin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” inilarawan ng ilang tao na uminom ng tubig mula sa bukal na minsan ay maalat at minsan naman daw ay lasang soft drinks ang tubig.

Bukod dito, usap-usapang nakapagpapagaling umano ng mga sakit ang tubig, gaya ng hika, high blood, at maging stroke.

Si Michael Ragundo, ginawa nang maintenance ang “miracle water” para sa kaniyang high blood.

Binabagtas nila ng kaniyang anak ang isang masukal na trail ng halos 20 minuto bago nila marating ang bukal, kung saan malinaw at walang tigil ang pag-agos ng tubig.

Kada tubo, iba-iba rin ang lasa ng tubig mula sa maalat hanggang sa tila buko juice umano.

Naligo na rin at ininom ni Michael ang tubig sa ilog, sa paniniwalang ang tubig ang nagpanumbalik ng kaniyang lakas matapos siyang tatlong beses na ma-stroke nitong nakaraang taon.

“Nawawala ‘yung sakit ‘pag nakainom pero nawawala rin ‘pag wala nang epekto ang gamot,” sabi ni Michael. Noong uminom doon, nawala ‘yung sakit ng paa ko, pati ‘yung sakit ng katawan ko nawala rin. Pati ‘yung sakit ng kidney ko nawala rin,” ani Michael.

Kaya naman lagi siyang may imbak ng naturang tubig sa kanilang bahay.

Ang 85-anyos naman na si Takdern, tatlong taon nang iniinda ang hika at labas-masok sa ospital. Tatlong beses kada araw siyang gumagamit ng nebulizer. Ngunit dahil wala silang kuryente, kung saan-saan pa siya pumupunta para lang magamit ito.

Hindi na nag-atubili pa ang lola matapos marinig ang tungkol sa sinasabing miracle water. Makaraan ang isang buwan ng araw-araw niyang pag-inom nito, himala na guminhawa raw ang kaniyang paghinga, kahit hindi siya nagne-nebulizer.

“Dahil sa tubig na ‘yon, nawala ang sakit ko. Hindi na ako inaatake ng asthma at ubo ko,” anang lola.

Kampante ang mga residente na inumin ng tubig dahil nang minsang suriin ng isang water laboratory, lumabas na ligtas itong inumin.

“Nang makainom ako ng tubig, wala naman akong naramdaman na masama,” sabi ng isang babaeng residente.

Matatagpuan ang bukal sa lupain na pagmamay-ari ng angkan ni Cahar Ander.

Dahil dito, may schedule ang pagpunta sa bukal, na Sabado at Linggo para sa mga hindi residente ng Butig, at Lunes para sa mga residente, ayon sa municipal adminstrator na si Abdul Pansar.

Dekada 80s pa nang matuklasan ang mahiwagang tubig umano, na ruta ng mga mangangaso, ayon sa barangay administrator na si Abdul Halim Gunda.

Ilan ang nagsasabing nagmula sa Mount Makaturing ang tubig pero wala pang makapagkumpirma nito. Taong 2023 nang gamiting water source ang bukal sa ginagawang kalsada sa paanan ng bundok.

Nag-viral ang miracle water dahil na rin sa mga pumupuntang vlogger, at umusbong ang iba't ibang kuwento tungkol sa bukal.

Gayunman, sa pagsasagawa ng initial microbiological test at inisyal na pagsusuri ng Local Government Unit o LGU ng Butig at mga kawani ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), lumabas na hindi ligtas inumin ang tubig mula sa bukal, taliwas sa kumalat na resulta online na isinagawa ng isang water laboratory.

“Hindi po pumasa sa pamantayan ng Philippine National Standards for Drinking Water, itong sinasabing miracle water. Dahil po sa mataas na antas ng coliform ito, at saka nakita po dito 'yung fecal coliform, 'yung mataas na level na 'yun na counts, is nagiging factor po siya na maaaring magkaramdam ang isang tao ng LBM o 'yung typhoid fever,” sabi ni Sitie Amina Ronda, municipal tourism officer.

Sinubukan ng KMJS na kunan ng pahayag ang water laboratory na una umanong nagsagawa ng test, pero tumanggi silang magpa-interview. Ngunit sa isang pahayag, iginiit nilang lehitimo ang resulta ng kanilang pagsusuri.

“Tinutuloy namin 'yung information drive na 'yung miracle water is unsafe for drinking. It's the option ng mga tao kung inumin nila o hindi,” sabi ni Pansar.

Paliwanag naman ng psychologist na si Vicente Panganiban, posibleng placebo effect ang dahilan ng sinasabing paggaling ng mga nakainom ng tubig mula sa bukal.

“Meron tinatawag na placebo effect. Kapag meron kang matinding paniniwala sa sarili mo, minsan nakakatulong 'yun para kahit paano gagaling ka. Minsan kasi temporary lang siya. Huwag na huwag kayong maniwala agad kung hindi baka ito pa ang maging mitsa para mas lalong lumala ang nararamdaman po ninyo,” payo niya.

Ayon naman kay Vincent Manuel MD, medical specialist, sa ngayon ay wala pang scientific na pag-aaral na nakakapagpagaling ng sakit na stroke at saka asthma ang sinasabing miracle water.

“Iwasan natin ang basta-basta pag-inom ng miracle water o 'yung mga tubig sa bukal sapagkat maaaring itong mag-cause ng gastroenteritis o pagtatae,” dagdag ni Manuel.

Sabi naman ni Dr. Arthur Dessi Roman, President ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases, “'Yung mga chemicals, 'yung mga metals na nandun, layun na magdidigta. Other than that, siyempre kung maraming mga impurities, maraming bacteria na tumutubo, maaaring ding maapektuhan 'yung lasa ng tubig. Kailangan siguraduhin natin na meron tayong precautions du’n sa tubig, maaaring pakuluan 'yung tubig.” – FRJ GMA Integrated News