Nagkagulo ang mga residente sa isang barangay sa Legaspi City, Albay nang makita nila ang isang malaking sawa na lumalangoy sa baha.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nakita ang sawa sa Barangay Maoyod Poblacion sa kasagsagan ng malakas na ulan na nagpabaha sa lugar.

Papasok umano ang sawa sa bakuran ng isang bahay kaya nagtulong-tulong na ang mga residente na hulihin ang nagpupumiglas na ahas.

Ligtas naman na nahuli ang sawa na kinalaunan ay ibinigay sa pangangalaga ng Albay Park and Wildlife.—FRJ GMA Integrated News