Pinaniniwalaan na may pinupuntiryang aso ang buwaya na may habang 14 na talampakang na nahuli ng mga residente sa Barangay Rio Tuba sa Bataraza, Palawan noong nakaraang linggo. Ang isang fur parent, nasaksihan umano nang sakmalin din ng isang buwaya ang kaniyang alagang aso.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakita ang video na kuha ng mangingisda at vlogger na si Alfonso Roxas, nang hulihin ng mga residente ang malaking buwaya noong nakaraang Miyerkoles ng gabi.
Matagal na umanong hinahanap ng mga residente ang naturang buwaya dahil umaabot na sa 15 aso ang nasakmal doon ng buwaya. Gayunman, walang katiyakan kung ang nahuling buwaya noong nakaraang linggo, ang siyang may kagagawan ng pag-atake sa lahat ng nasabing mga aso.
Ayon sa residenteng si Stephanie Sunio, may napansin siya noong Miyekules ng gabi na tila kahoy na malapit sa kaniyang bahay. Pero nagulat siya nang bigla itong gumalaw at bumuka ang bibig.
Hinala niya, target ng buwaya ang kaniyang alagang aso.
Hanggang sa magpasya ang mga residente na kailangan nang hulihin nila ang buwaya. Ang mga kabahayan sa Rio Tubo, nasa ibabaw o kaya naman ay malapit sa tabi ng tubig.
Ayon kay Sunio, sinubukan ng mga residente na siluhin ng lubid ang leeg nang buwaya. Nang magawa nila ito, hinatak nila ang lubid. Gayunman, nanlaban pa ang buwaya hanggang sa mapunta sa ilalim ng bahay ni Isidro Omar.
Kuwento ni Omar, sa tuwing hinihila ng mga kapitbahay niya ang lubid, kasamang nayuyugyog ang kaniyang bahay. Dahil sa panganib na makasira ng bahay ang paghuli sa buwaya, hinayaan muna ng mga residente na makalangoy ito palayo sa mga bahay.
Nang makakuha na tiyempo ang mga residente, nagtulong-tulong silang hatakin ang buwaya papunta sa lupa.
Hindi na raw talaga patatakasin ng mga residente ang buwaya dahil bukod sa mga aso na sinasabing inatake nito, may isang lalaki na rin ang nasawi matapos umanong sakmalin ng buwaya noong nakaraang Oktubre.
Si Omar, dalawang aso umano ang nawala dahil sa buwaya. Ang isang pag-atake, nasaksihan daw niya mismo at wala na siyang nagawa para iligtas ang alaga.
Kung tutuusin, nasanay na rin daw sila na may nakikitang buwaya sa kanilang lugar at malapit sa kanilang mga bahay.
“Minsan po marinig mo siyang naghihinga nang malalim. Parang yung hininga ng kalabaw,” kuwento niya. “Ang katwiran kasi ng iba kapag hindi mo raw ginagalaw hindi naman mang-aano. Kaya parang nasanay na kami.”
Pero nabahala na ang mga residente sa nangyaring pag-atake ng buwaya ang kanilang mga alaga. Kaya nang mahuli ang buwaya, nabawasan ang kanilang takot, lalo na para sa mga bata.
Ligtas at buhay naman na nahuli ng mga residente ang buwaya na inilipat sa pangangalaga ng Palawan Wildlife Rescue Center ang buwaya.
Ngunit ang mga awtoridad, hindi pabor sa paraan ng paghuli ng mga residente sa buwaya. Kung bakit, alamin sa buong ulat na ito ng “KMJS.” Panoorin. – FRJ GMA Integrated News
