Pambirang laban sa ibabaw ng ring ang nasaksihan ng boxing fans sa Madison Square Garden noong Sabado. Sa gitna kasi ng palitan ng mga suntok sa heavyweight fight, natuklap ang wig ng isang boksingero.

Naganap ang kakaibang laban sa ikalawang round nang matinding bakbakan nina Jarrell Miller at Kingsley Ibeh.

Nagpakawala ng sunod-sunod na suntok si Ibeh, at isang right uppercut ang tumama kay Miller na nagpaangat sa kaniyang ulo, at dahilan upang umangat din ang kaniyang buhok na wig pala.

Nakaligtas si Miller sa naturang round, maging ang kaniyang wig na hindi tuluyang natanggal pero nakita ng mga manonood ang kalbong tuktok ng kaniyang ulo.

Matapos ang naturang round, tuluyan nang inalis ng 37-anyos na boksingero ang kaniyang wig, itinaas sa ere, at saka inihagis sa mga tao.

 

 

Nagbiro si Miller na dalawang araw pa lamang ang nakalipas mula nang malagas ang kaniyang buhok matapos niyang mapagkamalang shampoo ang isang bote ng bleach.

"I get to my mama's house and I saw some shampoo bottles on the table," sabi ni Miller sa post-bout interview sa ring.

"I shampooed and that sh— was like ammonium bleach. I literally lost my hair like two days ago,” patuloy niya.

"So I called my manager and said, 'Get me one of those manes,' and I slapped that sh— on real quick. Ibeh knocked that sh— off. It's funny, man. I'm a comedian and you've got to make fun of yourself," kuwento pa ni Miller.

Sa kabila ng insident, nanalo si Miller via split decision sa iskor na 97-93, 97-93 at 94-96. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News