Nasawi ang isang aso matapos itong makailang ulit na hatawin ng kahoy ng isang lalaking senior citizen sa Cainta, Rizal.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV na pumunta ang aso sa isang gate ng bahay sa lugar, hanggang sa lumapit ang lalaki na caretaker ng bahay.

Dito na niya ilang beses na pinaghahampas sa aso.

Dadalhin pa sana ng isang nakasaksi sa beterinaryo ang aso pero pumanaw ito kalaunan.

Maghahain umano siya kasama ang isang animal rights advocate ng reklamo laban sa suspek.

Depensa ng nanghampas na senior citizen, akma umano siyang kakagatin ng aso kaya inunahan niya na ito.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News