Itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang kumakalat na mga post sa social media na binato umano niya ng laptop dahil sa galit si Atty. Michael Poa, na miyembro ng kaniyang magiging defense team kung matutuloy ang reklamo sa kaniyang impeachment.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinagot ni Duterte ang kumakalat na post sa social media tungkol sa umano’y pagbato niya ng laptop kay Poa na nangyari sa isa nilang pagpupulong.
“Actually, sa totoo lang, masyado na siyang basura ba, na gossip na hindi na siya dapat pinapansin,” bungad ni Duterte nang makapanayam sa The Hague.
“Never in the history sa aking trabaho ako nagtapon ng laptop sa isang colleague or sa isang empleyado or sa isang abogado,” ayon sa bise presidente.
Inihayag din ni Duterte, dating Education Secretary na hindi niya alam gumamit ng laptop o ng computer.
“Sa lahat ng mga documents, nire-rely ko lang ‘yan sa kasamahan sa opisina,” paliwanag niya.
“Sunod ay… ‘yung laptop ko, personal ko siya na laptop. Binili ko siya, mahal siya, and hindi ko siya itatapon basta-basta,” patuloy niya.
Itinanggi rin ni Poa ang sinasabing insidente ng pagbato umano sa kaniya ng laptop ni Duterte na tinawag niyang “fake news” at “completely false.”
Samantala, inihayag ni Duterte kung ano umano ang gustong palabasin ng mga kritiko tungkol sa kaniya sa social media.
“Parang ano ba ang gusto nilang ipalabas ng naratiba? Baliw ako, ano pa ba? Bobo ako, pro-China ako,” anang bise president na sinabi pang: “Incompetent, lumabas din ‘yan sa kanila.”
“Dati nagsasabi sila brat ako, pero ewan ko tumitigil na sila ngayon… Baliw nga, unstable, ‘yun ‘yung sinasabi ko basura na siya. Pero siyempre dahil nako-consume siya sa social media para paburan ‘yung narrative na gusto ng kalaban. ‘Ayun pala, corrupt, magnanakaw,” patuloy niya.
Tungkol sa kinakaharap niyang impeachment complaint, sabi ni Duterte: “Is this accountability or is this about removing a person who doesn’t agree with the administration?”
Nilinaw din niya na hindi niya ninais na maging pangulo kaya hindi siya tumakbo sa naturang posisyon noong 2022 elections.
“So para sa akin, kung manatili akong Vice President, well and good. Mas marami pa akong matutulungan through the Office of The Vice President. Kung hindi man din ako maging Vice President, okay lang din sa akin. So, makakatulong pa rin ako sa mga tao sa ibang capacity na, sa ibang pamamaraan,” saad niya. — FRJ GMA News
