Isang 68-anyos na lalaki ang namatay matapos na paulit-ulit na hampasin ng kawayan sa ulo ng lalaking kaniyang sinisingil sa utang sa bayan ng Laoac, Pangasinan.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen noong gabi ng Hulyo 13 sa Barangay Cabilaoan.

Ayon sa pulisya, nakahiga ang biktima sa beranda ng isang abandonadong bahay nang dumating ang suspek na may dalang kawayan at paulit-ulit siyang hinataw sa ulo.

Naniniwala ang mga imbestigador na nag-ugat ang krimen sa matagal nang alitan ng dalawa tungkol sa perang inutang suspek.

"Ang tinitingnan po nating anggulo doon ay 'yung old grudge dahil nagmula na rin po ito sa pagkakautang ng suspek dito po sa victim natin," ayon kay Police Major Glenn Dulay, hepe ng Laoac Police Station.

Dagdag pa ng pulisya, ilang araw bago ang krimen, ilang beses nang nagtalo ang biktima at ang suspek.

Inamin naman ng suspek ang krimen, na nagawa raw niya dahil sa galit bunsod ng paulit-ulit paniningil ng biktima tungkol sa kaniyang utang.

"Tapos nakaupo kaming dalawa sa flooring. Bumangon, kinukulit na naman ako. 'Yung utang ko daw. Dami kong utang daw," anang suspek.

Iginiit din ng suspek na may utang din umano sa kaniya ang biktima, ngunit pinabayaan na umano niya.

Samantala, sinabi ng pamilya ng biktima na determinado silang ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek.—FRJ GMA News