Ipinaaresto ng isang mister ang kaniyang misis matapos umanong mabisto na may kasamang tricycle driver sa loob ng isang lodging house sa Asturias, Cebu.
Sa ulat ni Gabriel Bonjoc ng Super Radyo Cebu sa Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakita ng mister ang kaniyang misis na sumakay sa isang tricycle.
Palihim umanong sinundan ng mister ang tricycle hanggang sa umabot at pumasok sa isang lodging house sa Barangay Owak.
Isang mister sa Cebu, ipinakulong ang kaniyang misis at ang kalaguyo nitong tricycle driver matapos mahuli sa isang lodging house sa Brgy. Owak sa Asturias, Cebu. | via Gabriel Bonjoc, Super Radyo Cebu pic.twitter.com/1J1Evi5B01
— DZBB Super Radyo (@dzbb) July 16, 2026
Sumunod umano ang mister sa loob ng establisimyento at kinompronta niya ang kaniyang msis at ang tricycle driver na umano’y kalaguyo ng kaniyang asawa.
Dahil nagdulot ng tensiyon sa loob ng lodging house ang komprontasyon, humingi na ng tulong sa barangay ang pamunuan ng lodging house, at kalaunan ay dinala na ang misis at ang driver sa himpilan ng pulisya. – FRJ GMA News

