Nanumbalik ang pag-asa ng mga aso na nagkaroon ng kapansanan matapos silang kabitan ng wheels bilang pagtulong sa kanilang paglalakad at pagtakbo sa Chonburi, Thailand.

Sa ulat ng Reuters, sinabing karamihan sa mga aso ay naaksidente kaya nagkaroon sila ng problema sa paglalakad.

Tinulungan ang mga aso ng non-government organization na The Man That Rescues Dogs Foundation, na sinimulan ng isang Swede na nanirahan sa Chonburi noong 2002.

ADVERTISEMENT

Dahil sa nakita niyang hindi magandang kalagayan ng 27 na aso, nagdesisyon siyang tulungan sila pagkatapos ng trabaho.

Bilang kanilang ehersisyo, lalagyan ng wheels ang mga aso para maging tulong sa kanilang paglalakad at pagtakbo.

"It's almost like, they have no idea that they have a disability. And once you put them in a wheelchair for the first time, it's like there's no learning curve, they immediately know what to do," sabi ni Christopher Chidichimo, volunteer and sponsorship coordinator ng organisasyon.

Ngunit nangangailangan ng donasyon, pati na rin ng mga bisita ang organisasyon dahil na rin sa COVID-19 pandemic.

Gumagastos ang shelter ng The Man That Rescues Dogs Foundation ng $1,300 o mahigit P62,000 kada araw para alagaan ang 600 na aso at pakainin ang 350 na nasa mga kalye. – Jamil Santos/RC, GMA News