Nasawi ang isang pulis na naglalakad sa reclamation area matapos siyang barilin sa Pontevedra, Negros Occidental.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Police Staff Sergeant Ildefonso Casugod, na biglang nilapitan ng gunman na nakasuot ng jacket na may hood at face mask.

Agad na tumakas ang suspek kasama ang isang lookout sakay ng motorsiklo.

ADVERTISEMENT

Patuloy na inaalam kung may kinalaman sa trabaho ng pulis ang motibo sa krimen at kung sino ang nasa likod nito.

Samantala, sa General Santos City, isang lalaki naman ang patay matapos barilin.

Sinabi ng mga pulis na papasok na sana ng kaniyang bahay si Jason Capanan nang dumating ang tatlong suspek na sakay ng motorsiklo saka pinagbabaril ang biktima.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 10 basyo ng bala.

Hindi nagbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima. Samantala, palaisipan pa sa mga pulis ang motibo ng pamamaril at pagkakakilanlan ng mga suspek. —LBG, GMA News