Patay ang hepe ng Sulu provincial police office matapos barilin ng sariling tauhan sa quarantine checkpoint sa Jolo.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Biyernes, kinilala ang nasawing opisyal na si Police Colonel Michael Bawayan Jr.

ADVERTISEMENT

Nasawi rin matapos barilin ng security personnel ni Bawayan ang suspek na si Police Staff Sergent Imran Jilah.

Sa paunang ulat, sinabing nangyari ang insidente nitong Biyernes ng hapon sa quarantine checkpoint sa Barangay Asturias.

Mayroon umanong sinabi si Bawayan na hindi nagustuhan ni Jilah kaya binaril niya ang kaniyang opisyal.

Gumanti naman ng putok ang security personnel ni Bawayan at tinamaan si Jilah, na nasawi rin. --FRJ, GMA News