Arestado sa entrapment operation sa Davao City ang isang 21-anyos na babaeng commercial sex worker umano matapos na kikilan daw ang kaniyang 51-anyos na kliyente ng P10,000 kapalit ng pananahimik sa kanilang naging relasyon.

Sa ulat ni Argil Relator sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, na tanghali nitong Martes nang arestuhin ng mga pulis ang babae na itinago sa pangalang "Ingrid," matapos niyang tanggapin ang P10,000 na marked money sa isang coffee shop.

Ayon sa pulisya, ang P10,000 hiningi umano ng suspek ay para sa pananahimik nito tungkol sa naging kaugnayan nila.

Sinabi naman ni Ingrid na dalawang buwan pa lang silang magkakilala ng kaniyang kliyente, na ama na raw ang kaniyang turing.

Tinutulungan daw siya ng kaniyang kliyente at nagbibigay ng P1,500 kada buwan pero wala umanong ibang kapalit.

Nagawa lang umano niyang manghingi ng P10,000 dahil gipit siya at may pinag-aaral na kapatid, at kailangan ng pamasahe pauwi sa kanilang probinsya.

Nahaharap ang babae sa reklamong extortion.-- FRJ, GMA News