Pinanindigan ng bayaw ni Michael Robinstone Rodriguez Morales ang nangyaring pisikal na komprontasyon sa kanila ng bayaw na aktor na si Baron Geisler. Ayon kay Michael, nararapat lang ang nangyari sa kaniyang bayaw at binabaliktad daw ng aktor ang mga pangyayari.

Nakaraang post ni Baron ng kaniyang larawan na may dugo at pasa sa mukha sa Instagram account, sinabi nito na binugbog siya ng kaniyang bayaw dahil umano sa pera.

READ: Bloodied, bruised Baron Geisler claims in-law attacked him

Sa Facebook live video naman ng bayaw niyang si Michael, sinabi nito na lasing si Baron na sumugod sa kanilang bahay.

"He barged into my house, lasing, nagbi-bihis kami going to a party, and he was totally drunk. Yung mag-ina [ko], nagbibihis, [tapos] papasok siya? I mean, wala siyang respeto pag-lasing. He does that all the time pag-lasing. Pag umiinom siya, ganyan siya. Ako, nabuhos na  galit ko. Hindi ko na ma-take. As a father, syempre, ayokong na-ga-ganyan mga anak ko, nababastos," saad niya sa video.

Sinabi ni Michael, na ang hindi magandang salita na binitiwan umano ng aktor sa kaniyang anak na babae ang labis na nagpagalit sa kaniya.

Sinugod umano ng kaniyang anak si Baron sa bahay nito, at sinundan niya at doon na nangyari ang gulo.

"Naghahamon siya. He asked for it, and he got it. It's that simple," sabi nito.

Patuloy niya, "Ilang times niya binastos si Marge, binastos kami, banging on our gate yun pala, charger lang ang hanap. Ilang babae humingi ng saklolo dito. He deserve what he got. He’s trying to twist the story."


Sa hiwalay na video, ipinakita ni Michael ang ginawang pag-vandalize umano ni Baron sa pader ng kanilang bahay na ginuhitan nito ng spray paint. -- FRJ, GMA News