Sinampahan ng Office of the Ombudsman ng reklamong katiwalian at multiple counts of falsification sa Sandiganbayan ang actor-turned-politician na si Quezon City Councilor Roderick Paulate dahil sa umano'y 30 ghost employees nito noong 2010.

Kasama ni Roderick sa reklamo ang kaniyang liaison officer na si Vicente Esquilon Bajamunde, na  sinampahan naman ng paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Maliban naman sa kasong katiwalian, nahaharap din si Roderick sa one count of falsification by a public officer at walong counts ng falsification of public document.

Batay sa reklamo, nagsabwatan umano ang konsehan at si Bajamunde sa gawa-gawang mga empleyado para sa kanilang personal na kapakinabangan.

Sinasabing inatasan ng aktor ang kaniyang chief of staff na maghanda ng kaduda-dudang Personal Data Sheets at pekeng job orders, na pinirmahan niya bilang recommending authority.

Isinumite umano ang mga dokumento sa Office of the Vice Mayor para aprubahan, sa City Budget Officer para sa paglalaan ng sahod, at sa City Personnel Officer para maitala.

Nakasaad pa sa reklamo na naglabas umano si Roderick ng sertipikasyon na nagsasaad na ang 30 inilistang kawani ay nagtrabaho ng 40 oras sa bawat linggo, at inatasan si Bajamunde na siyang komolekta ng sahod ng mga ito mula July 1 hanggang November 15, 2010, na umabot ng P1.1 milyon.

Para sa kanilang pansamantalang kalayaan, inirekomenda ang piyansang P246,000 para sa konsehan at P222,000 para kay Bajamunde.

Una nang inirekomenda ng Ombudsman na tanggalin sa kaniyang puwesto si Roderick pero iniapela ang reklamo sa Court of Appeals, at binaliktad ang naturang rekomendasyon laban sa aktor.

Sinisikap ng GMA News Online na makuha ang panig ng konsehal. —FRJ, GMA News