Para kay Andrea Torres, wala na siyang nakikita dahilan para pag-usapan pa ang naging hiwalayan nila ni Derek Ramsay kasabay ng pagdeklara ng aktres na okey lang siya at nakapag-move on.

Ginawa ni Andrea ang pahayag sa internal press conference ng bago niyang Kapuso series na "Legal Wives" kamakailan, na pinagbibidahan din nina Dennis Trillo, Bianca Umali, at Alice Dixson.

Napangiti na nga lang si Andrea at sinabing "its been months!" mula nang mangyari hiwalayan nila ni Derek.

Anang aktres, wala na siyang nakikitang dahilan para pag-usapan iyon; "what good will come out of it?"

Dagdag pa ni Andrea, "I've moved on."

ADVERTISEMENT

Sinabi pa niya, "if he truly respects me and my family, he'll let us have our peace."

Kamakailan lang, nagbigay ng pahayag si Derek sa panayam ng veteran showbiz anchor na si Cristy Fermin, at sinabi ng aktor na siya ang nakipaghiwalay kay Andrea sa pamamagitan ng telepono.

"Siguro kung may regret ako, it's that it came up over the phone," saad ni Derek kay Cristy.

Noong nakaraang Nobyembre kinumpirma nina Derek at Andrea na tapos na ang kanilang relasyon na tumagal ng mahigit isang taon.

Samantala, gagampanan ni Andrea ang role ni "Diane," sa Kapuso series na "Legal Wives," na isa sa tatlong asawa ng karakter ni Dennis na isang Muslim.

Ang dalawa pang asawa ni Dennis sa serye ay gagampanan nina Bianca at Alice.

Ayon kay Andrea, may pagkakatulad si Dianne sa kaniya.

"Pareho naming ilalaban kung ano yung tingin namin ay tama," anang aktres.

"Ganun si Diane eh. Kahit na mahirap, kahit na hindi siya comfortable dun sa situation dahil naniniwala talaga siya na, 'yun 'yung tama. Gagawin niya 'yon. Kumbaga, paninindigan niya," dagdag niya.

Kasama rin sa "Legal Wives" sina Cherie Gil, Al Tantay, Shayne Sava, Abdul Raman at marami pang iba. — FRJ, GMA News