Pumanaw na sa edad na 45 si Marvin Martinez, na kilala bilang si "Ate Shawee" na impersonator ni Sharon Cuneta.

Ayon sa pamangkin ni Ate Shawee na si Ronnica Rollyn de Jesus, pumanaw ang komendyante dakong 1 p.m. nitong Lunes dahil sa liver cirrhosis “with complications.”

“Bigla na lang siya nag-stop huminga,” ayon ni Ronnica.

ADVERTISEMENT

Sinabi pa ni Ronnica, na isang linggong namalagi si Ate Shawee sa Chinese General Hospital bago pinayagang makalabas. Pero ibinalik siya sa pagamutan nitong Sabado.

“Hindi na siya pinayagan lumabas ng ospital kasi pababa na nang pababa [blood pressure] niya tapos hindi na siya nakakakilala, ’di na nakakapagsalita,” sabi ni Ronnica.

“Ang sabi ng doctor, do’n na lang hintayin na bawian siya ng buhay kasi kailangan pirmahan ’yung death certificate and ’yung time of death,” dagdag niya.

Humingi ng tulong pinansiyal ang pamilya ni Ate Shawee para sa gastusin sa kaniyang pagpapalibing dahil mayroon pa silang P60,000 na kailangang bayaran sa ospital.

“Hindi po namin alam kung saan siya ibuburol—kung sa funeral parlor po or sa chapel po sa barangay,” sabi ni Ronnica.

Sa mga nais tumulong, maaaring ipadala ang donasyon sa Ronnica Rollyn sa pamamagitan ng GCash account (09952397972) o kay Justine D. Castro sa BDO Unibank Inc. Savings (002470252578). – FRJ, GMA News