Hindi napigilan ni Eddie Gutierrez na maging emosyonal sa kaniyang eulogy para kay Susan Roces, na kaniyang naging on screen partner noon.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing ikinuwento ni Eddie sa kaniyang eulogy nitong Martes ng gabi, ang naging pag-uusap nila ni Roces sa ika-80 kaarawan ng beteranang aktres noong nakaraang taon.

"Noong birthday niya, parang all of a sudden naging malungkot siya. Tapos nagpaalam na kami, sabi niya sa akin 'Take care.' Sabi ko, 'Ikaw din, take care. Mahal na mahal kita Susan,'” umiiyak na sabi ni Eddie.

ADVERTISEMENT

"Ikaw din sabi niya, 'Mahal kita'," dagdag pa ng beteranong aktor.

Nitong Miyerkoles ang huling araw ng public viewing sa mga labi ng kinikilalang Queen of Philippine Movies, sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.

Bukod kay Eddie, nagpaabot din ng kaniyang pakikiramay sa pamilya Roces si Manila Mayor Isko Moreno, na nagbigay ng huling respeto sa kaniyang ninang sa kasal.

Sinabi ni Isko na hindi niya malilimutan ang mga pinagsamahan nilang telesine ni Susan sa Kapuso Network.

Bilang alkalde ng Maynila, ipinag-utos ni Isko ang mga pagsasaayos para sa libing ng aktres sa Huwebes sa Manila North Cemetery.

Itatabi si Roces sa puntod ng kaniyang mister na si "Da King" Fernando Poe Jr. --Jamil Santos/FRJ, GMA News