Balik-Pilipinas matapos ang pitong buwang pananatili sa Amerika ni AiAi Delas Alas para maging judge muli sa bagong edisyon ng Kapuso singing competition na "The Clash!"

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago nitong Biyernes, sinabing makakasama muli ni AiAi bilang hurado sa Season 5 ng "The Clash!" sina Lani Misalucha at Christian Bautista.

Paniwala ni AiAi, mas magiging mahigpit ang labanan ng mga kalahok sa bagong edisyon ng naturang singing contest.

ADVERTISEMENT

"Kasi yung mga hindi nakasali noon na pandemic na sobrang magagaling, I think nandiyan na sila ngayon. Bakulawan [pagalingan] to the max na 'yan," sabi ng concert comedy queen.

Pero bago magpasko, sinabing babalik sa Amerika si AiAi para doon magdiwang ng Pasko kasama ang mister na si Gerald. Mayroon na rin daw sila planong gawin sa Pasko.

"(December) 24 'yon lang kakain lang kami magsisimba. And then (Dec.) 25 siguro gagala-gala and pupunta ako sa Missionary of Charity sa San Francisco," sabi ni AiAi.

Pagdating ng Enero 2023, magkakaroon naman siya ng concert kasama ang ex-husband na si Miguel Vera.

Ito ang unang pagkakataon na magkakasama sila sa concert matapos silang maghiwalay noon. Ayon kay AiAi, magkakaroon ng special appearance sa concert ang kanilang mga anak.--FRJ, GMA Integrated News