Lingid sa kaalaman ng iba, ilan sa mga kaibigan ni Chariz Solomon ay naging ex-girlfriend ni Paolo Contis. Pero sa kabila nito, nagpapasalamat si Paolo na nananatili silang magkaibigan ni Chariz at hindi raw siya hinusgahan ng huli.

Sumalang si Chariz, kasama si Valeen Montenogro, sa nakaraang episode ng online talkshow ni Paolo na "Just In." Bagaman makulit ang kanilang kuwentuhan, naging seryoso naman ito bago matapos ang programa nang pasalamatan na ni Paolo ang dalawang kasama niya sa "Bubble Gang."

Dito inihayag ni Paolo kung gaano kabuting kaibigan sina Valeen at Chariz.

Ayon kay Paolo, mabuting katrabaho si Valeen na hindi nakakalimutang magbigay ng sorpresa sa mga kaibigan.

Katulad umano ng birthday suprise ni Valeen sa kapuwa nila ka-Bubble na si Denise Barbacena.

ADVERTISEMENT

"Nagpaburol. May lamay," natatawang sabi ni Paolo sa theme ng pa-birthday ni Valeen kay Denise na November 3 pala ang kaarawan.

May ginawa rin umanong pa-sorpresa si Valeen para kay Chariz na may pa-kotse naman sa "Mother's Day" celebration.

"Mabait ka," sabi ni Paolo kay Valeen, na ipinaliwanag naman na "love language" niya ang ganoong paraan.

Pagdating kay Chariz, sinabi ni Paolo na, "I really appreciate everything."

Ipinaliwanag ni Paolo na close sila ni Chariz at ilan sa mga kaibigan nito ay "ex" niya.

"Pero thankful ako na you never judged me. Thankful ako na ok tayo," anang actor-host.

Ayon kay Chariz, natakot rin siya noon nang bumalik siya sa "Bubble Gang" dahil hindi niya alam kung papaano ang magiging reaksyon nila sa samahan nila ni Paolo.

Nagpapasalamat din si Chariz sa kaniyang kaibigan na ex ni Paolo na naunawaan din ang kaniyang sitwasyon.

"Natuwa rin ako na naintindihan niya. Na hiwalay 'yon. Na hindi ko kailangang madamay yung ibang friendship. Akala ko magiging, 'Ah magiging professional na lang kami.' Baka ganun. Akala ko, 'baka espiya 'to," pahayag ni Chariz.

"So, happy ako na nandito pa rin tayo," sabi ni Chariz kay Paolo.

"Kasi it all boils down na pareho kayong good people," sabi ni Valeen, na dinugtungan ni Chariz na nasa mature level na sila ni Paolo. --FRJ, GMA Integrated News